Tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) na tuloy na ang pagpapatupad ng National ID System bago matapos ang taon.
Ayon kay NEDA Acting Secretary Karl Chua, karamihan sa procurement packages maliban sa systems integrator ay na-bid out at naigawad na.
Aniya, nasa kalagitnaan na sila ng procurement ng huling package.
Ang systems integrator ay kailangan para ang major components ng Philippine Identification System (PhilSys) ay konektado at gumagana.
Ito na lamang aniya ang kailangang ayusin para masimulan ang mass registration sa PhilSys ngayong taon.
Ang systems integrator ay bahagi ng limang major procurement blocks ng PhilSys, kabilang ang registration kits, card production, data server, at ang Automated Biometric Identification System (ABIS).
Kapag natapos ang pagpaparehistro ng limang milyong residente ngayong taon, sinisilip ng Philippine Statistic Authority (PSA) na maiparehistro sa National ID System ang karagdagang 10 milyon sa susunod na taon.