Pinaiimbestigahan ni Anak Mindanao Partylist Rep. Amihilda Sangcopan ang implementasyon ng Organic Law na nakakaapekto sa mga indigenous tribe sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa inihaing House Resolution 1926 ni Sangcopan ay pinasisilip ‘in aid of legislation’ sa Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenous People ang mga hamon na kinahaharap ng mga katutubo sa BARMM areas kabilang na dito ang pagtaas sa insidente ng pagpaslang sa mga non-Moro IP leaders.
Ito’y kahit pa may umiiral na Republic Act (RA) 11054 o ‘Organic Law for the BARMM at RA 8371, o ang ‘Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997’.
Nakasaad sa resolusyon na matapos lagdaan ang Organic Law ay kapansin-pansin ang pagtaas sa bilang ng mga pinapatay na non-Moro IP leaders at mga magsasaka sa rehiyon.
Nakakabahala para sa kongresista dahil ang mga katutubo sa Bangsamoro tulad ng Tedurays, Lambangians, Dulangans at iba pang non-Moro IPs ay patuloy na nahihirapan kahit pa buhos ang suporta nila sa ratipikasyon ng batas noong 2018.
Sinabi ni Sangcopan na nakalulungkot ang naging kapalit dahil umasa ang mga katutubo na mapoprotektahan ng Organic Law ng Bangsamoro ang kanilang karapatan, buhay at ancestral domains.
Bukod dito ay umasa rin ang mga indigenous tribes na magkakaroon sila ng representasyon sa Bangsamoro Government ngunit tila nabalewala na ito.
Patuloy kasi aniyang itinataboy ng mga lawless armed groups ang mga katutubo sa kanilang ancestral lands na nauwi sa karahasan, harassment at pagkamatay ng ilang non-Moro IPs.