Implementasyon ng RFID system, hiniling na suspendehin hanggang sa Enero 2021

Pinasususpinde ni House Committee on Metro Manila Development Vice Chairman at Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo ang implementasyon ng Radio Frequency Identification (RFID) hanggang sa susunod na taon.

Umapela si Castelo sa Department of Transportation (DOTr) na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng RFID system sa mga tollways hanggang sa Enero 1, 2021.

Paglilinaw ni Castelo, suportado niya ang programa lalo pa’t layunin dito ang makontrol ang pagkalat ng virus infection na COVID-19 pero hindi naman sapat ang hanggang December 1 para makapag-comply ang libo-libong motorista sa pagpapalagay ng RFID.


Naniniwala ang lady solon na ang isang buwang postponement sa implementasyon ng cashless at contactless system sa mga tollways ay makapagbibigay sa napakaraming motor vehicle owners ng sapat na panahon para makapagpadikit ng RFID stickers.

Hindi aniya maitatanggi na marami pa ring mga motorista ang wala pa ring RFID stickers bunsod ng kakaunti lamang ang mga tauhang nagdidikit ng stickers at napakahaba ng pila sa mga installation sites and toll plazas.

Inirekomenda ni Castelo sa mga toll operators na maglagay ng offsite installation sa mga opisina, malls, gasoline stations, villages at iba pang pampublikong lugar upang mapabilis ang pagdidikit ng mga RFID stickers.

Facebook Comments