Manila, Philippines – Ilang araw bago ang implementasyon ng Executive Order 26 o Nationwide Smoking Ban sa Linggo (July 23), muling nananawagan ng pakikiisa ang Department of Health mula sa mga Local Government Units.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, ang LGUs kasi ang tututok sa implementasyon at monitoring ng smoking ban, kaya’t umaasa sila na pulungin na ng mga ito habang maaga pa, ang mga mayari ng establishimento sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Tayag, para sa mga mayari ng mga establishimentong walang kakayahang tumugon sa mga requirements tulad ng pagkakaroon ng buffer zone (kwarto sa pagitan ng smoking area at public area), paglalagay ng mga graphic health warnings at ‘No Minors Allowed’ signages, makabubuting, maglagay na lamang ng “No Smoking” sign, dahil sa oras na mahuli ang isang indibidwal na naninigarilyo sa paligid ng isang establishimento ay kasama ang pamunuan nito sa papatawan ng parusa.
Para naman sa mga pasahero ng kahit anong public vehicle na makikitang naninigarilyo ang driver, maaari aniyang humingi ng tulong sa mga traffic enforcers o mga nagpapatrolyang pulis sa mga kalsada.
Ayon kay Tayag, maaaring magmulta ng mula sa 500 hanggang 10 libong piso, o kulong ang mga mahuhuling bumibili, nagtitinda, nagdi- distribute at nagpapaskil ng mga posters ng sigarilyo sa mga pampublikong lugar. O pagkasuspinde ng license to operate para naman sa mga pasaway na establihimento.
Nilinaw naman ng DOH na wala nang magaganap na adjustment period at ganap nang iimplementa ng mga LGUs ang smoking ban sa darating na Linggo.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558