
Malapit nang makamit ang universal healthcare sa bansa.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa Bataan General Hospital para inspeksyunin ang pagpapatupad ng Zero Balance Billing program sa ospital.
Ayon sa pangulo, nasa 80% na ang implementasyon ng Universal Healthcare (UHC) at malaking tulong ang naturang programa na ngayon ay ipinatutupad na sa 78 pampublikong ospital sa buong bansa.
Sa Bataan General pa lamang aniya ay umabot na sa 2,976 na pasyente ang natulungan ng programa.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang pagbubukas ng Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) centers sa iba’t ibang lugar.
Giit ng pangulo, handa ang pamahalaan na ipagpatuloy ang pagpapalakas ng health system upang maabot ang target na kumpletong Universal Healthcare.
Patuloy rin aniya ang pagtutok ng pamahalaan sa pagpapalakas ng ekonomiya upang masuportahan ang gastusin sa malawakang implementasyon ng UHC, na layong gawing abot-kamay ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat.









