Implementing Rules and Regulations ng Free Tuition Law, binabalangkas na ng CHED

Manila, Philippines – Binabalangkas na ng Commission on Higher Education (CHED) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas na magbibigay ng libreng tuition sa State Universities at Colleges.

Ayon kay Commissioner Prospero De Vera – higit 20 bilyong piso ang kailangang budget para sa unang taong pagpapatupad ng Free Tertiary Education Law.

Bukod sa libreng tuition, malilibre ang miscellaneous fees ng mga estudyante.


Sakop nito ang higit 100 SUCs, technical at vocational programs ng TESDA at 16 na Local Universities and Colleges na sinertipikahan ng CHED.

Binigyang linaw din ni De Vera na hindi lahat ng mga estudyante ay masasakop ng libreng tuition gaya na lamang ng mga kumukuha ng pangalawang kurso.

Inabisuhan na rin ng CHED ang mga SUCs na higpitan ang kanilang admission at retention policy para maiwasan ang biglang paglobo ng bilang ng mga estudyante.

Sa school year 2018-2019 pa magsisimula ang implementasyon ng Free Tuition Law.

Samantala, tinitingnan na rin ng CHED ang pagkakaroon ng Return Service Agreement para sa mga estudyanteng makikinabang sa subsidy kung saan kailangang muna nilang magtrabaho sa bansa ng ilang taon pagkatapos nilang grumaduate.

Facebook Comments