Kinalampag ng grupong ACTS-OFW ang pamunuan ng PhilHealth at Department of Health (DOH) upang rebyuhin ang implementing rules and regulations ng Universal Healthcare Law.
Kasunod na rin ito ng pagprotesta ng libu-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa pagtaas ng kanilang PhilHealth premium sa 3% mula sa dating 2.75%.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni ACTS-OFW Chairman Aniceto “John” Bertiz III na kung kinakailangan na amyendahan ang UHC Law upang mapagaang ang pasanin ng mga OFWs ay dapat nang gawin.
Binigyan diin ni Bertiz na ngayong may kinakaharap tayong krisis, marami sa ating OFWs at kanilang pamilya ay kabilang sa mahihirap at vulnerable sector.
Umapela rin si Bertiz sa pamahalaan na gawin na lamang boluntaryo at hindi mandatory ang pagbabayad ng premium ng mga OFWs lalo na’t may mga health insurance rin ang mga kababayan natin na binabayaran ng kanilang employer abroad.
Pero sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni PhilHealth President Ricardo Morales na ang inihuhulog na premium contribution ng mga OFWs ay magsisilbi rin na retirement benefits sa sandaling magretiro na sila at umuwi na sa bansa.
Sa ngayon ay nagpatupad na ang PhilHealth ng moratorium sa premium payments ng OFWs na kumikita ng 10,000 pesos hanggang 60,000 pesos.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil at gawing boluntaryo ang PhilHealth premiums ng OFWs.