Implementing Rules and Regulations para sa “e-rallies”, inilabas na ng Comelec

Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa “e-rallies” na alternatibo sa pisikal na pangangampanya sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa Comelec, pamamahalaan ng naturang IRR ang implementasyon ng Republic Act No. 9006 o ang Fair Elections Act para sa 2022 national at local elections.

Kabilang sa mga probisyon ng IRR ang pagtatakda ng Education and Information Department ng Comelec ng plataporma para sa free livestreaming ng “e-rallies” para sa presidential, vice presidential, at senatorial candidates gayundin sa mga partido.


Nakatakdang ipalabas ang live streaming ng “e-rallies” kada gabi, simula Pebrero 8, 2022 sa opisyal na social media channels ng Comelec.

Sa nasabing “e-rallies”, bibigyan ng tig-10 minuto ang tatlong presidential at tatlong vice presidential candidate kada gabi habang mayroong tig-3 minuto ang limang senatorial bets at 10 partylist groups.

Makikita naman ng mga kandidato ang mga live comment sa online stream.

Facebook Comments