Inihain na sa Kamara ang resolusyon na nagpapaimbestiga sa posibleng epekto sa seguridad ng gagawing development ng China sa tatlong isla sa bansa: ang Fuga, Grande at Chiquita island.
Sa House Resolution 254 na inihain nila Bayan Muna Representatives Carlos Zarate, Eufemia Cullamat at Ferdinand Gaite, inaatasan nito ang House Committee on National Defense and Security na siyasatin sa Aid of Legislation ang naturang China-funded project.
Partikular na pinaiimbestigahan ang posibleng implikasyon sa seguridad ng bansa kapag natuloy ang development sa mga isla.
Tinukoy sa resolusyon na ang Fuga Island ay bahagi ng Cagayan Special Economic Zone at dito rin matatagpuan ang telecommunications cable na kumokonekta sa bansa sa Mainland Asia.
Kapwa ginamit din ang Fuga at Grande bilang drop-off point at American reservation noong World War II habang ang Chiquita Island naman ay isa sa mga popular diving spots sa bansa.
Nababahala ang mga kongresista na gagamitin lamang ng China ang proyektong ito para makapang-espiya sa bansa at malaking banta ito sa seguridad ng mga Pilipino.