Impormasyon na magla-lockdown ang Probinsya ng Quirino dahil sa bilang ng COVID-19 cases, Itinanggi ng Gobernador

Cauayan City, Isabela- Pinabulaanan ni Quirino Governor Dakila Carlo Cua ang kumakalat na impormasyon na magla-lockdown ang probinsya sa harap ng dumaraming naitatalang kaso ng mga tinamaan ng COVID-19.

Ayon kay Cua, nakakaalarma rin ang pagtaas ng kaso ng mga tinamaan ng nasabing sakit na pumalo sa 26 habang 9 sa bilang ang nananatiling aktibo.

Bagama’t nakategorya aniya ng Department of Health (DOH) na ‘low risk’ sa COVID-19 ang probinsya ay walang dahilan para maipasailalim sa lockdown ang lalawigan sa harap ng banta ng pandemya.


Mula sa mga naunang nagpositibo sa virus, karamihan sa mga ito ay mild at asymptomatic cases maliban aniya sa isang kapapanganak na ginang makaraang lumabas na may iba pa itong karamdaman kaya’t minabuting maalagaan sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) habang patuloy rin na inoobserbahan ang kanyang anak.

Samantala, muling pinaalalahanan ng opisyal ang kanyang nasasakupan na sumunod sa alituntunin para makaiwas sa banta ng COVID-19.

Facebook Comments