Thursday, January 22, 2026

Impormasyong lumabas na ng bansa ang negosyanteng si Atong Ang gamit ang backdoor, pinabulaanan ng NBI

Pinabulaanan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang impormasyong nakalabas na ng bansa ang gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang gamit ang umano’y backdoor.

Ayon kay Acting NBI Director Lito Magno, wala pa silang natatanggap na ulat sa ground na lumabas ng bansa ang negosyante o gumamit ng ilegal na exit points.

Ani Magno, mahigpit ang isinasagawa nilang pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration upang mabantayan ang lahat ng posibleng labasan ng bansa ng tinaguriang Top 1 most wanted ng Pilipinas.

Iginiit ng NBI na malaki ang tiyansa na matugis si Ang dahil nakakalat ang kanilang mga tauhan na nagsasagawa ng operasyon at paghalughog sa ilan sa mga ari-arian ng negosyante.

Sinabi pa ng NBI na hindi sila titigil hangga’t hindi nahuhuli si Ang, lalo’t siya na lamang ang natitirang akusado na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kaso ng mga missing sabungero.

Samantala, hinihingi pa ng NBI ang paglilinaw kaugnay sa pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na hindi umano sila humihingi ng tulong sa ahensya dahil may mga NBI agent umanong dineputize si Ang bilang mga bodyguard nito.

Si Ang ay nahaharap sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.

Facebook Comments