Import ban ng baka at kalabaw sa apat na bansa, hindi makakaapekto sa suplay ng Pilipinas

Walang epekto sa kabuuang supply ng karne ng baka at kalabaw sa bansa ang import ban ng buhay na baka at kalabaw na ipatutupad ng Department of Agriculture (DA) sa apat na bansa.

Matatandaang nitong February 1 ay ipinag-utos ng DA ang temporary ban ng baka at kalabaw, at ng mga produkto nito, mula sa Libya, Russia, South Korea at Thailand, dahil sa kumakalat na lumpy skin disease (LSD) sa mga baka at kalabaw sa naturang mga bansa.

Sinabi ni DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, hindi rin naman aniya nag-aangkat ang Pilipinas sa apat na bansa dahil hindi ito accredited kung kaya’t hindi ito makaapekto sa overall supply ng karne ng baka at kalabaw sa bansa.


Hindi rin aniya sakop ng import ban ang mga naturang karne dahil ito ay ikinokonsidera bilang safe commodity.

Pinapayagan pa rin naman daw ang pag-aangkat ng mga karne sa apat na bansa kung ito ay accredited na mag-import sa bansa.

Karamihan din ng karne ng kalabaw at baka na inaangkat ng Pilipinas ay galing sa India, South America, at Europa.

Paglilinaw pa ni De Mesa, ang pagpapatupad ng import ban ng DA ay isang precautionary measure lamang laban sa banta ng lumpy skin disease (LSD) sa Pilipinas.

Facebook Comments