Import ban sa mga ibon at produktong manok mula Denmark, inalis na ng DA

Inalis na ng Department of Agriculture (DA) ang halos dalawang import ban sa domestic at wild birds, kabilang ang mga poultry product mula Denmark.

Sa Memorandum Order No. 50, nagdesisyon si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na alisin ang ban matapos ipagbigay-alam ng Danish Veterinary and Food Administration sa World Organization for Animal Health na tuluyan nang naresolba ang lahat ng kaso ng highly pathogenic avian influenza sa kanilang bansa at wala nang naiulat na outbreak mula pa noong September 12, 2024.

Matatandaang ipinatupad ang ban noong December 2022 upang maprotektahan ang lokal na industriya ng manok at masiguro ang kaligtasan ng mga mamimili laban sa avian flu.


Kasama sa ipinatigil na importasyon noon ang karne ng manok, day-old chicks, itlog, at semilya.

Binigyang-diin ni Secretary Tiu Laurel na ang kautusang ito ay agad magiging epektibo ngunit mahigpit pa ring ipatutupad ang mga umiiral na regulasyon at guidelines ng DA para sa pag-import ng mga produktong agrikultural.

Facebook Comments