Kinansela ng Department of Agriculture (DA) ang Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPICS) para sa importasyon ng ilang mga isda na nakasaad sa ilalim ng Fisheries Administrative Order 195.
Sa Administrative Circular No. 11 na pirmado ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban, suspendido na ang pag-aangkat ng galunggong at moonfish para sa canning purposes.
Laman din ng nabanggit na kautusan ang suspensyon sa paglalabas ng SPICS para sa pag-import ng roundscad, bonito, mackerel, moonfish, pompano at mga tuna by-products ng mga processing plant maliban na lamang kung direkta itong gagawin ng mga importer na mayroong hawak na license to operate mula sa Philippine Food and Drug Administration (FDA).
Matatandaan nitong nakalipas na buwan ay naging kontrobersyal ang utos ng Ombudsman na imbestigahan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) dahil sa atrasadong pagpapatupad ng FAO no. 195.
Ito’y sa dahilang taong 1999 pa ay bawal na ang pagbebenta ng ilang imported na isda gaya ng pink salmon at pampano sa mga wet market pero nagkalat ang mga ito sa mga palengke.