Mag-i-import pa rin ng asukal ang bansa sa mga susunod na buwan.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang vlog kahapon.
Aniya, pinagaralan niyang mabuti ang available supply ng asukal sa Pilipinas, lumalabas na may sapat pang supply ng asukal hanggang buwan ng Oktubre.
Kaya naman may importasyon pa rin ng asukal na mangyayari pero hindi raw aabot sa 300,000 metric tons katulad ng nakalagay sa iligal na pinirmahang Sugar Order No. 4 ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Leocadio Sebastian na nagbitiw na sa pwesto.
Sinabi ng pangulo, 150,000 metric tons ng asukal lang ang iimport ng bansa at ito ay supply na para sa buong taong ito.
Inamin naman ng pangulo na ayaw na ayaw niyang nag-i-import pero kung hindi sapat ang supply ng pagkain ay mapipilitan raw talaga ang gobyerno na mag-import.
Kapag bumaba kasi ang supply ng pagkain, tataas ang presyo nito na taong bayan ang kawawa kaya habang inaayos pa aniya ang produksyon sa Pilipinas ay kailangang mag import, pero hindi sobra sobra sa pangangailangan ng bansa.