Importasyon ng bigas, dapat pansamantalang ihinto para matulungan ang mga magsasaka

Hinimok ni Senator Imee Marcos ang gobyerno na ihinto muna pansamantala ang importasyon ng bigas hanggang matapos ang anihan sa panahon ng tag-ulan sa Oktubre.

Ayon kay Marcos, ito ay para makarekober ang mga magsasaka sa farmgate prices na idinedekta ng mga rice traders dahil sa patuloy na implementasyon ng rice tariffication law.

Paliwanag ni Marcos, posibleng muling bumulusok sa seven hanggang eight pesos na lang ang kasalukuyang 12 hanggang 15 pesos kada kilo na presyo ng palay.


Ipinaalala ni Marcos na maaaring maulit ang nangyari noong nakaraang taon na nagkaroon ng oversupply bunsod ng importasyon ng bigas kaya nahila pababa ang presyo kung saan labis na naapektuhan ang mga magsasaka.

Kinalampag din ni Marcos ang Bureau of Customs (BOC) para agad aksyunan ang mga traders na nag- misdeclared at undervalued ng inangkat na bigas para mabawasan ang buwis na dapat nilang bayaran.

Iginiit ni Marcos na dapat ding proteksyunan ang koleksyon ng taripa bilang dagdag pondo sa Department of Agriculture (DA) na ang budget pambili ng palay sa mga lokal na magsasaka at pagbigay ng mga kailangang kagamitan ay posibleng mabawasan sa susunod na taon.

Facebook Comments