Mariing kinontra si Committee on Agriculture Chairperson Senator Cynthia Villar ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) na itaas ang importasyon ng karne ng baboy at ibaba an taripa o buwis na ipinapataw dito.
Paliwanag ni Villar, papatayin ng importasyon ang lokal na industriya habang aabot naman sa P16 bilyon ang buwis na mawawala kapag ibinaba ang taripang ipinapataw dito.
Tinukoy ni Villar ang datos mula sa Bureau of Customs (BOC) na P132 lang kada kilo ang presyo ng imported na baboy kapag inilabas sa pantalan at nasa P29 lang kada kilo ang 40-percent nitong taripa.
Ang nasabing imported na karne ng baboy ay maibebenta sa merkado ng P270-P300 kada kilo kaya ayon kay Villar, sa ganyang presyo ay may tubo na kaya hindi na kailangang ibaba pa ang taripa.
Si Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan naman ay hindi kumbinsido sa sinasabi ng DA na tumaas sa 3-dolyar kada kilo ang presyo ng karne ng baboy na kaiba sa datos ng BOC.
Pinayuhan din ni Pangilinan ang DA na sa halip paburan ang mga importers ay unahin ang interest ng ating mga kababayan at tiyakin ang tulong pinansyal sa mga apektado ng African Swine Fever (ASF).