Pinapatiyak ni Senator Imee Marcos sa Department of Agriculture (DA) na hindi makakaapekto sa lokal na produksyon ng pulang sibuyas ang plano nitong pag-angkat ng 35,000 metriko-toneladang sibuyas.
Pahayag ito ni Marcos matapos magbigay ng go signal ang kagawaran na mag-angkat ng imported na sibuyas bilang tugon sa kakulangan nito ngayon.
Ayon kay Marcos dapat matiyak na DA na talagang bababa ang presyo ng sibuyas sa merkado, at hindi maaapektuhan ang lokal na sibuyas na aanihin sa Marso.
Nangangamba si Marcos na baka mabulok lang sa mga bodega ang mga aangkating imported na sibuyas gaya nang ginawa ng National Food Authority noong nakaraang taon na nag-angkat ng milyun-milyong pisong halaga ng imported na bigas na hindi naman naibenta sa murang halaga.
Bukod pa rito, kinumpetensiya pa ang lokal na palay dahilan para malugi at bumagsak ang kabuhayan ng maraming magsasaka.
Sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority, nitong nakaraang Disyembre, nasa P195 kada kilo ang wholesale price ng pulang sibuyas.
Sa mga supermarket at grocery, naglalaro ang halaga ng sibuyas sa P150 hanggang P200 kada kilo.