Importasyon ng sibuyas, pinatitigil ng grupo ng mga magsasaka

Pinababawi ng grupo ng mga magsasaka kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang utos nitong mag-angkat ng 21,060 metriko tonelada ng sibuyas ngayong Enero.

Ayon kay Rafael “Ka Paeng” Mariano, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, hindi na kailangang mag-angkat ng karagdagang suplay ng sibuyas dahil nagsisimula na rin naman ang anihan.

Punto pa niya, baka tumama pa ang importasyon sa peak harvest na posibleng magtulak pababa sa farmgate price ng sibuyas at ikalugi lalo ng mga magsasaka.


“Kasi ang tanong, kapag ba pumasok ang imported na sibuyas by January 27, maoobliga ba ng gobyerno na ilabas ng mga importer yung kanilang aangkating sibuyas sa lokal na merkado? Pangalawa, maitatakda ba ng gobyerno yung presyo ng aangkating sibuyas na yan sa makatarungang presyo? Ngayon, kung ilalabas naman nila lahat yan, mapipigil ba ng gobyerno na huwag niyo munang ilabas yang sibuyas na aangkatin niyo dahil mag-aani tayo. E di magigipit naman yung sinasabi nila na kailangang ma-stabilize yung presyo sa merkado,” giit ni Ka Paeng.

“Kaya lumalabas, hindi talaga pinag-aralan yan. Ang KMP po ang panawagan, bawiin na ni President Bongbong Marcos yang memorandum order na yan… dahil hindi po makakabuti ‘yan,” dagdag niya.

Giit pa ni Ka Paeng, band aid solution lang ang importasyon na aniya’y patunay ng kapabayaan ng gobyerno na tugunan ang mataas na presyo ng sibuyas sa merkado.

Katunayan aniya, maraming paraan para mapababa ang presyo nito pero hindi lamang ginagawa ng gobyerno.

Maaari naman aniyang magpatupad ang gobyerno ng mandated price ceiling kung mayroong unreasonable prices sa presyo ng retail price sa sibuyas.

Bukod diyan, maaari ring gamitin ng pamahalaan ang probisyon sa ilalim ng Magna Carta of Small Farmers kung saan nakasaad na may kapangyarihan din ang Department of Agriculture na magbigay ng support price mechanism upang maprotektahan ang mga magsasaka mula sa monopolyo at kartel.

Facebook Comments