Sa harap ng pagpapataas sa volume ng aangkating karne ng baboy ay tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na walang makalulusot sa bansa na imported pork na infected ng African Swine Fever (ASF).
Sinabi ito ni Bureau of Animal Industry (BAI) Director Dr. Reildrin Morales sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole na pinamunuan ni Senate President Tito Sotto III.
Inusisa naman ni Senator Joel Villanueva sa DA ang estado ng testing capability ng bansa sa ASF dahil apat na rehiyon pa na apektado ng ASF ang walang kapasidad sa testing.
Binanggit ni Villanueva ang Cordillera Administrative Region, Western Visayas, CARAGA at Bangsamoro Autonomous Region In Muslim Mindanao (BARMM).
Sabi naman ng DA, patuloy nilang pinalalakas ang testing sa pamamagitan ng pagbili ng karagdagang mga testing equipment na aabot sa P100 milyon na ilalagak sa regional animal disease laboratories.