Imported na ukay-ukay, pinabubuwisan at pinare-regulate ng isang senador

Umapela si Senator Raffy Tulfo na i-regulate at buwisan na ang mga imported ukay-ukay.

Ito’y matapos gisahin ng senador ang Bureau of Customs (BOC) sa pagdinig ng Committee on Ways and Means kaugnay sa naglipanang mga imported na ukay-ukay sa bawat sulok ng bansa.

Ayon kay Tulfo, ang kawawa sa ukay-ukay ay ang mga may nakatayong tindahan dahil ang mga ito ay lehitimo, mayroong permit, nagbabayad ng buwis at nagpapasahod ng mga tauhan habang ang mga importers na nagpupuslit lang ng ukay-ukay na pinalulusot ng BOC ay yumayaman sa negosyong ito.


Panahon na aniya na ma-regulate at buwisan ang ukay-ukay at ang makokolekta rito ay ilalaan sa mga social services.

Hindi rin aniya dapat magmahal ang presyo ng ukay-ukay sa oras na ito ay patawan ng buwis at ma-regulate dahil libre namang nakukuha ng mga importers ang mga segunda manong damit.

Hiniling din ni Tulfo na pag-aralan ng Senado ang batas na nagbabawal sa pagpasok at pagbebenta ng mga second-hand na damit sa bansa upang nang sa gayon ay magkaroon ng pakinabang ang mga Pilipino rito.

Samantala, tiniyak naman ni Customs Deputy Commissioner Edward James Dy Buco na patuloy ang kanilang pagbabantay laban sa ukay-ukay at katunayan ay may mga nasampahan na sila ng kaso ukol dito.

Facebook Comments