Isasama na sa umiiral na price cap ang imported na baboy o pork products na ibinebenta sa mga supermarkets.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ito ay upang matiyak na pantay-pantay na masasaklaw ng price ceiling ang mga baboy na ibinebenta sa mga supermarket at palengke lalo’t wala naman aniyang kaibahan ang mga ito.
Kung tutuusin nga ayon sa kalihim, mas mayroon pang access ang mga mall sa pag-aangkat ng mga baboy mula sa ibang bansa sa mas murang halaga kumpara sa mga baboy na mula sa bansa kaya’t walang rason ang mga mall o supermarket na ibenta ang pork products nila sa mahal na presyo.
Ayon kay Secretary Roque, sa naging cabinet meeting kagabi, ipinangako ng Department of Trade and Industry (DTI) na lalagyan ng label ang mga inangkat na baboy o pork products at subject na rin ang mga ito sa price ceiling.
Sa inilabas na Executive Order No. 124 ni Pangulong Rodrigo Duterte, iiral ang price cap sa National Capital Region (NCR) sa loob ng 60 na araw upang maiwasang sumirit ang presyo ng karneng manok at baboy dahil sa kakulangan ng suplay nito sa merkado.