Importers at smugglers ng imported na isda, pinahahabol ng isang senador sa BFAR

Pinahahabol ni Senator Cynthia Villar sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga importer at smuggler ng imported na pampano at pink salmon.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform kaugnay sa inisyung kautusan ng BFAR na nagbabawal sa pagtitinda sa mga palengke ng imported na pampano at salmon, iginiit ni Villar na mas dapat na kinokontrol at pinipigilan ng ahensya ang importers at smugglers sa pagpapasok ng imported na isda sa bansa.

Punto ni Villar, chairman ng nasabing komite, hindi naman makakapasok sa bansa at hindi naman makakarating sa ‘wet market’ ang mga imported na pampano at pink salmon kung hindi ito galing sa importer at hindi pinalusot ang mga smuggler.


Binigyang diin ng senador na mga simpleng tao lang ang mga maliliit na vendors sa mga palengke at kung ano ang ibabagsak sa kanilang produkto ay siyang kanilang ititinda.

Iginiit pa ni Villar na ang importers at smugglers ang dapat na parusahan dahil ang mga ito naman ang yumaman sa industriya at hindi naman ang mga nagtitinda sa palengke.

Tugon naman ni BFAR Officer-in-Charge Demosthenes Escoto, pinaiigting nila ngayon ang ‘end-to-end monitoring’ at hindi lang wet market ang target para mabantayan at mapigilan ang talamak na pagtitinda ng imported na isda sa bansa.

Facebook Comments