Manila, Philippines – Imumungkahi sa Department of Finance ng National Anti Poverty Commission ang pag amyenda sa ilang probisyon ng Tax Reform Acceleration and Inclusion law na nagpapataw ng dobleng buwis sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay NAPC Secretary Liza Maza, hindi pa matiyak kung kailan magtatagal ang mataas na presyuhan sa world market ng mga produktong petrolyo.
Ito aniya ay dulot ng mga giyera at sa kaguluhan sa mga oil exporting countries.
Dahil dito, mas mainam aniya na suspindihin muna ang excise tax sa ilalim ng TRAIN law at ang 12 percent Value Added Tax sa mga petroleum products.
Sa pamamagitan aniya nito ay hindi maidadagdag sa mataas na presyuhan ng mga produktong petrolyo.
Binigyan diin ni Maza na sa nakalipas na buwan ay tumaas ng 4.5 percent ang inflation rate.
Ito ay mataas kung ihahambing sa nakalipas na limang taon na nasa 2 percent lamang.
Bunsod nito,ramdam na ng mga maliliit na sektor ang mataas na presyo ng bilihin at bayarin sa serbisyo publiko.