“In-depth assessment” sa lawak ng pinsala ng oil spill sa karagatan ng Mindoro, hiniling ng isang senador

Hiniling ni Senator Francis Tolentino ang pagsasagawa ng malalimang assessment para makita ang lawak ng pinsalang iniwan ng oil spill sa karagatan ng Mindoro na ngayon ay malaking banta sa buhay ng mga mangingisda, sa marine biodiversity at sa turismo.

Nitong February 28, lumubog ang oil tanker ship na MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng langis sa bahagi ng karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro sanhi ng overheating ng makina.

Nangangamba si Tolentino na ang oil spill ay posibleng umabot at maging banta sa Verde Island Passage na ikinukunsiderang “Center of the Center of Marine Shorefish Biodiversity” sa buong mundo at pati na rin sa isla ng Boracay.


Nagbabala rin ang senador na kung mabigo ang pamahalaan at mga kaukulang ahensya ng gobyerno na ma-contain o mapigilan ang pagkalat ng oil spill ay tataas pa ang bilang ng mga mangingisda at mga kababayang sa dagat nagmumula ang hanapbuhay.

Sa kasalukuyan, 18,000 mangingisda na ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa insidente.

Sinabi pa ni Tolentino na ang Mindoro oil spill incident ay maaaring ‘déjà vu’ o mas malala pa sa trahedyang nangyari noong 2006 kung saan lumubog sa karagatan ng Guimaras ang MT Solar-1 na may dalang 2.1 million liters ng bunker fuel.

Sa kasalukuyan aniya, batay sa pagtaya ng mga marine expert ay posibleng umabot sa 20,000 ektarya ng coral reefs, 9,900 ektarya ng mga bakawan at 6,000 ektarya ng seagrass ang masisira ng oil spill na ikinakabahalang makarating pa ang pinsala hanggang sa baybayin ng Palawan.

Facebook Comments