In-person classes sa susunod na pasukan, planong iklian

Iiklian ng Department of Education (DepEd) ang araw ng in-person classes sa susunod na pasukan bilang bahagi ng kanilang agresibong hakbang upang maibalik agad ang dating academic school calendar.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni DepEd Asec. Francis Bringas na posibleng limitahan sa 165 na araw ang full in-person classes para sa school year 2024-2025 pero magkakaroon ng alternative delivery modes tuwing weekend o holiday upang makumpleto ang 180 school days.

Sa kabilang banda, inilatag ni Bringas na may mga dapat na kompromiso na gawin upang agad na maibalik ang dating school calendar kung saan magsisimula sa Hunyo ang pasukan at magtatapos naman sa buwan ng Marso.


Posible aniyang mabawasan ang school break ng mga guro na makakaapekto sa kanilang vacation pay.

Maging ang mga estudyante ay posibleng makaranas ng mas compressed o siksik na academic year sa pagbuo ng lahat ng learning competencies sa mas maikling school days.

Pinaghahanda ng DepEd na kung pipiliin ng gobyerno ang mas agresibong aksyon ay dapat na magsakripisyo ng ilang oras ang mga estudyante at mga guro sa susunod na pasukan.

Facebook Comments