INA AT LIMANG TAONG GULANG NA ANAK, INIULAT NA NAWAWALA SA STA. BARBARA, PANGASINAN

Apat na araw nang iniulat na nawawala ang isang mag-ina na residente ng bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan matapos silang hindi na makauwi mula sa isang lakad noong Enero 29, 2026.

Kinilala ang mga nawawala na sina Monaneth Alonzo Siray, 35 anyos, maybahay, at ang limang taong gulang nitong anak, kapwa residente ng Barangay Patayak, Sta. Barbara.

Tumangging humarap sa camera ang ama ng asawa ng nawawalang mag-ina, ngunit ayon sa kanilang salaysay, bandang alas-nuebe hanggang alas-diyes ng umaga noong nabanggit na araw ay nagpaalam umano si Monaneth na maghahatid lamang ng ibinebentang mais kasama ang kanyang anak at agad ding babalik.

Nabatid na dumaan pa ang mag-ina sa bahay ng tiyahin ni Monaneth sa Barangay Poblacion Norte, kung saan pansamantala nilang iniwan ang kanilang traysikel, sabay sabing babalik din kaagad.

Gayunman, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin umuuwi ang mag-ina.

Lubos ang pag-aalala ng asawa at ng mga magulang nito sa kalagayan at kinaroroonan ng mag-ina.

Tinatayang 4’11” ang tangkad ng babae, may mahabang buhok, at huling nakitang suot ang gray na jacket na may pink na hood at maong pants.

Payat naman ang pangangatawan ng limang taong gulang na bata at huling nakitang suot ang gray na boxer shirt, jogging pants, at tsinelas.

Hinihikayat ng pulisya ang sinumang may impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mag-ina, o kung sila ay mamataan, na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa numerong 0968-569-3915 o sa Sta. Barbara MPS TOC sa 0998-598-5120.

Facebook Comments