Sa Mega Market ng syudad natagpuan ang ina ng inabandonang sanggol sa Cotabato City Public Cemetery kaninang umaga.
Sinabi sa RMN-Cotabato ni Market Administrator Sam Mundas, namataan ito sa bukana ng palengke na animo’y walang nangyari.
Wala anya kasi sa katinuan ang naturang ginang na pinangalanan na lamang n’yang “Angel”, nasa 30 hanggang 35 anyos at residente diumano ng Barangay Tamontaka ng lungsod.
Palaboy-laboy si “Angel” sa palengke at kung saan-saang lugar din nakakarating upang manglimos.
Nang makita si “Angel” nitong hapon ay duguan pa ito at namumutla kaya nagpasya si Administrator Mundas na dalhin ito sa pinakamapalit na birthing clinic at doon ay nilinis at binihisan.
Walang nakukuhang impormasyon kay “Angel” upang matuntun sana ang mga kaanak nito, ayon pa kay Administrator Mundas.
Dinala rin agad sa Women Crisis Center na sadyang ipinatayo ng lokal ng pamahalaan ng Cotabato City sa pamumuno ni Mayor Frances Cynthia Guiani-Sayadi para sa mga kababaihang may pinagdadaanan, pinangangasiwaan ito ng City Social Welfare Office.
Samantala, patuloy pa ring minomonitor ng mga duktor ang kalagayan ng sanggol na inabandona ni “Angel” na ngayon ay nasa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC). (DAISY MANGOD-REMOGAT)
Ina ng inabandonang sanggol sa Cotabato City, natuntun na!
Facebook Comments