Ina ni Sen. Trillanes at Janet Napoles, idinawit ni PRRD sa maanomalyang pagbili ng Kevlar helmets

Iniuugnay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ina ni outgoing Senator Antonio Trillanes IV sa pagbili ng substandard Kevlar helmets para sa mga sundalo noong 1998.

Matatandaang isiniwalat din ng Pangulo na ang ina ni Trillanes na si Estelita ay mayroong supply transactions sa Philippine Navy noong nasa military service pa ang senador at tatay nito.

Ayon kay Pangulong Duterte – isa itong maanomalyang transaksyon na kinasasangkutan din ni pork barrel scam mastermind Janet Napoles.


Dahil sa bagong patutsada ng Pangulo, tugon ni Trillanes ay “komo tameme” ang Pangulo sa isyu sa Recto Bank kaya ang kanyang nanay ang pinagdidiskitahan.

Giit pa ni Trillanes – ang mga substandard na Kevlar helmets ay isa sa mga inirereklamo nila noong Oakwood incident sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Hamon ni Trillanes sa Duterte administration na maglabas ng mga dokumento na magpapatunay na may isinagawang imbestigasyon tungkol sa Kevlar helmets at pagkakadawit ng kanyang ina.

Noong 2010, ipinawalang sala ng Sandiganbayan Fourth Division si Napoles sa kasong malversation at falsification at paglabag sa anti-graft law.

Pero nadiskubre sa pagsisiyasat ng Korte Suprema noong 2014 na si Sandiganbayan Fourth Division Chairperson Justice Gregory Ong ay nagsilbing contact ni Napoles kaugnay sa Kevlar case na nakabinbin sa kanyang dibisyon.

Si Ong ay tumanggap ng lagay mula kay Napoles bago ilabas ang desisyon sa Kevlar case at siya na na-dismiss ng Supreme Court.

Facebook Comments