INAALAM NA | MMDA enforcer sa viral video na umano ay nang-bully ng motorista, iniimbestigahan na

Manila, Philippines – Inaalam na ng Traffic Discipline Office ng MMDA ang posibleng pananagutan ng babaeng enforcer na umano ay nang-bully ng hinuhuling motorista.

Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, ginagawa na ang report at agad itong ipapasa sa kanilang legal division. Pagpapaliwanagin din ang enforcer na sangkot sa insidente.

Kwento ng uploader at sangkot sa insidenteng si Albert Bugarin, pinara siya ng MMDA matapos dumaan sa yellow lane sa EDSA Kamuning.


Giit ni Bugarin, agad naman siyang sumunod sa proseso, pero bigla na lamang sumulpot ang babaeng enforcer, kinunan siya ng video at ininsulto pa.

Wala naman siya aniyang balak magsampa ng kaso pero gusto niya lamang malaman ng publiko ang ginawa ng naturang enforcer.

Ayon naman kay Pialago, dapat magsilbing paalala ang viral video sa enforcers na magtimpi at huwag padadala sa emosyon.

Facebook Comments