Manila, Philippines – Inaalam na ngayon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDDRMC) kung may koneksyon sa pananalasa ng bagyong Domeng at habagat ang pagkamatay ng tatlong indibidwal.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas nakatanggap sila ng report na isang bata ang natagpuang patay sa isang riprap sa Antipolo City habang dalawang katao naman ang nabagsakan ng puno sa Bicol.
Patuloy aniya nilang bina-validate ang mga impormasyon upang makumpirma ang sanhi ng kanilang pagkamatay.
Sa ngayon isa pa lamang ang naitatala ng NDRRMC na nasawi dahil sa bagyong Domeng.
Kinilala itong si Algemon Dalisam Nuñez residente ng Barangay Corong-Corong El Nido, Palawan, nawala ito matapos na mahulog sa dagat mula sa sinasakyang jetski dahil sa lakas ng hangin.
24/7 namang alerto ang operation center ng NDRRMC upang ma-monitor pa rin ang sitwasyon sa mga lugar na nakakaranas ng patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.