Manila, Philippines – Inaantabayan pa sa ngayon ng Department of Education ang ulat mula sa iba’t-iba nilang tanggapan sa bansa hinggil sa epekto ng bagyong Urduja sa mga paaralan.
Ayon kay DepEd Sec Leonor Briones sa ngayon kinakalap pa ng kanilang mga tauhan sa grounds kung ano ang pinsala ng bagyo sa mga paaralan sa Visayas Region partikular sa Leyte, Samar, Bicol at CARAGA Region.
Sinabi ni Briones na bilang tulong ng Deped sa mga apektado ng bagyong Urduja, simula pa lamang ng pumasok ito sa PAR ay pinaghanda na nya ang mga paaralan para magsisilbi bilang kanlungan o evacuation center.
Kasabay nito inilunsad din ng DepEd ang kanilang hotline number para sa mga nais magbibigay tulong o donasyon sa mga nasirang school facilities.
Ang mga may mabubuting loob ay maaaring tawag sa mga numerong 026376462 at 026387110.
Nananawagan pa ni Briones na habang hinihintay ang reports mula sa mga lalawigan ay dapat aniyang buhayin ang espiritu ng kabayanihan at magbigay ng tulong sa mga bata lalo na’t 7 araw na lamang at pasko na.