Manila, Philippines – Umaasa si Deputy Speaker Miro Quimbo na mababawasan na ang `suicide` rate sa bansa na may kaugnayan sa mental health problem.
Ito ay matapos na pirmahan na ng Pangulo bilang batas ang RA 11036 o ang Mental Health Law.
Ayon kay Quimbo, na pangunahing may-akda ng Mental Health Act sa Kamara, masaya siya na naging ganap nang batas ang panukala na inilalaban ng Kongreso sa loob ng 20 taon.
Sinabi ni Quimbo na dahil sa batas ay maaalis na ang stigma sa ganitong karamdaman at hindi na mahihiya ang mga dumaranas ng mental health problems tulad ng depresyon, anxiety, bipolar disorders at iba pa na humingi ng tulong sa pamahalaan.
Nanawagan naman ang kongresista na epektibong ipatupad ng gobyerno ang Mental Health Law.
Mababatid na batay sa data ng DOH, lumalabas na isa sa limang adults at isa sa sampung mga kabataan ang nakakaranas ng mental health problems sa bansa.