
Inaasahan na mas mapapadali ang aplikasyon ng mga kababayan na mangangailangan ng tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) oras na ma-institutionalize na ito.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, sinabi ni Senator Erwin Tulfo, chairman ng komite, na ililimita na lamang sa dalawa ang hihingiing requirements para makatanggap ng ayuda.
Ayon kay Tulfo, kung naospital ang humihingi ng tulong, ang kailangan na lamang isumite ay hospital bill at ID, at kung namatayan naman, ang isusumite na lamang ay bill ng punerarya at ID.
Aalisin na aniya ang indigency form dahil dito kalimitang nagkakaproblema at nagagamit ito sa politika.
Kapag naging ganap na batas, hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang mga politiko na makialam sa AICS dahil ang mga tao ay direktang hihingi na ng tulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Samantala, sa pagdinig ay ipinaaayos ni Tulfo sa DSWD ang pagtanggap ng ayuda ng mga katutubo, lalo’t may ilang lugar na ang mga indigenous people ay walang birth certificate at walang ID kaya hindi nakakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Kinalampag din ng senador ang Philippine Statistics Authority (PSA) na madaliin ang pagre-release ng physical ID card na isa rin sa mga magiging requirements sa AICS.










