Inaasahang holiday surge sa Metro Manila, nalagpasan na – OCTA Research

Nakalagpas na ang Pilipinas sa pangambang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) matapos ang holiday season.

Sa isang panayam, sinabi ni OCTA Research Team fellow Dr. Guido David na wala silang nakitang pagtaas sa kaso ng COVID-19 sa Metro Manila matapos ang Pasko, Bagong Taon at maging ng Traslacion.

Aniya, ang naitalang pagtaas ng kaso noong unang linggo ng Enero ay bunsod ng pagbabalik ng testing.


Nabatid na noong holiday, halos nangalahati ang pansamantalang tumigil sa pagsasagawa ng COVID-19 test.

Samantala, nananatili sa 400 ang daily average ng COVID-19 cases sa NCR habang tumaas ang naitatalang kaso sa Cebu.

Dumoble rin ang kaso sa Mt. Province kung saan nakapagtala ng mas nakakahawang variant ng COVID-19.

Mungkahi ni David, pabilisin ang pag-rollout ng COVID-19 vaccine para mabawasan ang mahahawaan ng sakit at tuluyan nang maibaba sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang NCR.

Facebook Comments