Inaasahang mass testing sa susunod na linggo, umani ng suporta mula sa mga Senador

Pinuri ng mga Senador ang plano ng Gobyerno na magsagawa ng mass testing simula sa susunod na linggo o sa April 14.

Nakakasiguro si Senator Risa Hontiveros na maraming buhay ang masasalba dahil sa naturang hakbang na malaking tulong para pigilan ang higit pang pagkalat ng Coronavirus.

Diin naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, dapat agad mai-isolate o maibukod ang lalabas na positivo sa virus sa gagawing mass testing upang mas mapangalagaan sila at hindi na makahawa pa.


Hiling naman ni Senator Christopher Bong Go, isama sa prayoridad sa mass testing ang mga doktor at nurse at iba pang health workers na matindi ang exposure sa mga pasyenteng may COVID-19.

Ipinunto pa ni Go na paraan ang mass testing para matukoy ang mga lugar na kailangang i-monitor nang mas maigi at ang mga taong kailangang gamutin.

Paliwanag naman ni Senator Win Gatchalian, mahalaga ang mass testing upang malinawan kung gaano kalaganap ang pagkalat ng virus sa ating bansa.

Pabor din si Gatchalian na iprayoridad sa mass testing ang mga frontliners, gayundin ang mga Persons Under Monitoring (PUM) at Person Under Investigation (PUI).

Kaugnay nito ay naniniwala si Gatchalian, na kailangan talagang palawigin pa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) para sa mass testing at para masuring mabuti ang mga magiging resulta nito.

Facebook Comments