Inaasahang paghupa ng inflation rate, kinatigan ng isa pang kongresista

Maging si Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., ay tiwala rin na huhupa rin sa mga susunod na araw o nalalabing bahagi ng taon ang inflation rate o bilis ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo na naitala nitong Setyembre.

Ayon kay Gonzales, ang 6.1% inflation rate na naitala sa buwan ng Setyembre ay bunga ng mataas na presyo ng bigas at produktong petrolyo na nakaapekto sa presyo o halaga ng bayarin sa sektor ng transportasyon, kuryente, at lahat ng mga produkto.

Diin ni Gonzales, ang mahusay na desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na limitahan ang presyo ng bigas ay tiyak na magpapababa sa inflation rate.


Paliwanag pa ni Gonzales, bagama’t nagawang kontrolin ng gobyerno ang presyo ng bigas ay masyado namang maliit ang magagawa nito sa presyo ng produktong petrolyo na inaangkat mula sa ibang bansa.

Gayunpaman, mainam para kay Gonzales ang patuloy na pagtulong ng pamahalaan sa mga mahihirap at sa mga nasa sektor ng transportasyon na labis na apektado ng high fuel, power and consumer prices.

Tinukoy ni Gonzales ang pagbibigay ng gobyerno ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development at Department of Transportation at iba pang kinauukulang ahensya.

Facebook Comments