Todo na ang ginagawang paghahanda ng Manila International Airport Authority (MIAA) dahil sa inaasahang pagtaas sa 15% ng mga pasaherong dadagsa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay MIAA General Manager Eric Ines, aabot sa mahigit isang milyong pasahero ang inaasahang gagamit ng paliparan.
Ang bilang na ito ay mas mataas kumpara sa naitala noon na 926,755 na pasahero noong nakaraang taon sa parehong panahon.
Sa unang 14 na araw lamang nitong Marso, ang bilang ng mga pasahero ay umabot na sa 1,853,132 at may average na bilang kada araw na 132,367.
Dagdag pa ni Ines, sasamantalahin na kasi ngayon ng mga biyahero ang pamamasyal sa mga lokal na destinasyon o hindi kaya’y sa labas ng bansa para makasama ang kanilang pamilya.
Kasunod nito, tiniyak naman ng pamunuan ng paliparan na ang mga airport personnel ay nasa kondisyon sa pagtatrabaho para sa mga pasilidad at mga back-up system.
Samantala, patuloy naman ang pakikipagtulungan ng MIAA sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Bureau of Immigration (BI) at Office for Transportation Security (OTS), upang bantayan ang mga kritikal choke point o queues at tiyakin na ganap na may nakakalat na tauhan ang mga Immigration counter at final security points para sa mabilisang proseso sa mga pasahero.