Manila, Philippines – Nagpalabas ngayon ng abiso ang Department of Foreign Affairs (DFA) na pinag-iingat ang mga Pilipino na nasa bansang Egypt.
Ito ay kasunod nang nabigong ‘Suicide Bombing’ na nangyari kahapon August 11 sa lugar malapit sa isang petrochemical plant kung saan aabot sa halos isanlibo ang mga Pinoy na nagtatrabaho bilang construction workers.
Batay sa nakuhang impormasyon ng DFA mula sa Embahada ng Pilipinas sa Cairo ay wala namang naitalang casualty sa insidente maliban lamang sa nag-iisa umanong suicide bomber.
Ayon kay Ambassador to Cairo Leslie Baja na target umano ng pag-atake ang isang Coptic Christian Church sa Administrative Region ng Shoubra District na tinatayang nasa isandaang kilometro ang layo sa construction site ng pinakamalaking Petrochemical Plant sa Egypt.
Nananatili aniya ang komunikasyon ng Embahada sa mga Filipino Workers ng planta na isinailalim sa lockdown matapos ang napaagang pagsabog ng bomber sa lokasyong mahigit sa dalawandaang metro ang layo sa target na simbahan.
Sa ngayon, balik normal na ang operasyon sa construction site na pinatatakbo ng isang Korean Company kung saan nagpatupad na ang pamunuan nito ng karagdagang Security Measures para sa seguridad at kaligtasan ng mga manggagawa doon.