Manila, Philippines – Ibinasura ng National Prosecution Service (NPS) ng DOJ ang kasong inihain ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group laban kay suspected drug lord Peter Lim.
Sa resolusyon na nilagdaan ni Acting Prosecutor General Jorge Catalan, inabswelto rin ng piskalya sa kasong paglabag sa comprehensive dangerous drugs act sina Kerwin Espinosa, Peter Co, Marcelo Adorco, Max Miro at Lovely Impal.
Nag-ugat ang reklamo ng PNP-CIDG sa pagkakasangkot ng grupo nina Lim, Espinosa at Co sa illegal drugs trade sa Visayas region.
Ginawang batayan ng PNP-CIDG sa reklamo ang impormasyon na ibinunyag ng tauhan ni Espinosa na si Marcelo Adorco ,na sina Lim at Co daw ang supplier ng droga ng Espinosa group.
Ayon sa NPS, hindi maituturing na credible witness si Adorco dahil hindi magkakatugma ang impormasyon na inilahad nito sa kanyang testimonya.
Bigo rin aniya ang PNP-CIDG na magprisinta ng mga iligal na droga na magpapatunay na sangkot nga sa drug trade ang respondents.
Ang resolusyon ng NPS ay sasalang pa sa automatic review ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.