Manila, Philippines – Lumabas sa pagdinig ngayon ng Senate Committee on Labor na umaabot sa 185 ang kaso ng pagkamatay ng Overseas Filipino Workers o OFWs sa Kuwait sa loob ng dalawang taon.
82 dito ay nangyari noong 2016 habang 103 naman ay noong nakaraang taon.
At ngayong 2018 bago ipatupad ang deployment ban sa Kuwait ay may naitala pang pitong OFWs na nasawi kasama dyan si Joana Demafelis na natagpuan ang bangkay sa loob ng isang freezer.
Sabi naman ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella, noong taong 2017 ay nasa 6,000 kaso ng pag abuso sa OFWs, tulad ng sexual harassment, ang naitala sa Kuwait.
Sinisi naman ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestro Bello III, ang mga illegal recruiters kaya nabubukas sa pagpatay at mga kaso ng pag abuso ang mga OFWs.
Inusisa din ni Committee Chairman Joel Villanueva kung nabibigyan ng sapat na briefing ang mga OFWs bago umalis ng bansa.
Sagot ni Bello, sumasailalim sa 6 oras na pre departure briefing ang mga OFWs pero hindi ito sapat at nagiging ugat lang ng korapsyon.
Sa pagdinig ay naungkat din ang kawalan ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas para sa proteksyon ng OFWs.
Pero sabi ni Bello, ayaw ito ng Kuwaiti Government dahil hindi nila gusto ang mga polisyang magtatakda ng limitadong oras ng pagtatrabaho ng mga OFWs gayundin ang hindi pagkumpiska sa kanilang passports at cellphones.