Sinamahan ni Senador Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang matataas na opisyal nang pangunahan ng Punong Ehekutibo ang inagurasyon ng Siargao Island Sports and Tourism Complex at iba pang big-ticket projects sa Siargao Island, Surigao del Norte.
Bilang isa sa pinakasikat na tourist destinations sa bansa, sinabi ni Go na ang pagbubukas ng PhP630.2M Siargao Island Sports and Tourism Complex ay magpapalakas pa sa turismo sa isla at sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Ang Siargao Island Sports and Tourism Complex na matatagpuan sa bayan ng Dapa, ay kayang mag-accommodate ng kabuuang1,632 katao sa kanilang first-class facilities at amenities. Maari rin itong pagganapan ng iba’t ibang national at international sports at tourism events.
Ang 6.3-hectare complex, na sinimulang itayo noong 2015, ay mayroong basketball, volleyball at badminton courts, dormitory para sa student-athletes, rubberized athletic oval, soccer field, swimming pool, dalawang palapag na six-classroom Siargao Sports High School at isang convention center.
Sinegundahan ng senador ang panawagan ng Pangulo sa mga lokal na pamahalaan na alagaan at panatilihin ang natural na ganda ng isla upang matiyak na mae-enjoy pa ito ng mga susunod na henerasyon.
Binanggit din ni Go, chairman ng Senate Committee on Sports, na layunin din ng complex na mabigyan ng inspirasyon ang mga batang atleta na paunlarin ang kanilang mga talento at kakayahan.
“Masaya ako sa pagbubukas ng Siargao Sports and Tourism Complex dahil ito po ay isa sa maraming proyekto ng Duterte Administration na makakatulong sa ating ekonomiya at pag-unlad ng bansa,” pahayag ni Go
“Ito rin ay magbibigay daan sa ating mga atleta upang maipakita ang kanilang angking galing sa iba’t-ibang uri ng sports,” dagdag pa niya.
Bilang bahagi ng kanyang pangako na ipagpatuloy ang mga positibong pagbabago na sinimulan ng Duterte Administration, tinukoy din ng vice presidential aspirant na ang pagsusulong ng infrastructure development ay magpapalakas sa economic recovery ng bansa upang mabigyan ng komportable at sustainable na pamumuhay ng mga nasa kanayunan.
“I am also confident na marami ang mabibigyan ng trabaho dahil sa pagbubukas ng SISTC. Magbubukas ito ng maraming oportunidad para sa mga nasa isla at buong rehiyon,” ani Go.
“Kinakailangan lang po natin na panatiliin ang mga nasimulang magagandang adhikain ni Pangulong Duterte sa mga susunod na administrasyon upang magtuloy-tuloy ang magagandang pagbabago para sa ating mga kababayan kahit saang sulok man sila ng bansa,” dagdag pa niya.
Bukod sa Siargao Island Sports and Tourism Complex, pinasinayaan din ni Pangulong Duterte ang iba pang proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program ng Department of Public Works and Highways, kabilang ang pagbubukas ng Catangnan-Cabitoonan Bridge Three-Point Bridge System na may overall budget na PhP434 million.
“The construction of additional roads and bridges is vital to our country’s economic development by enhancing the mobility and accessibility of people, goods and services,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Ang pagtitipon ay dinaluhan nina First District Representative Francisco Jose Matugas II, Governor Francisco Matugas, Dapa Mayor Elizabeth Matugas, Surigao City Mayor Ernesto Matugas Jr., Burgos Mayor Emmanuel Arcena, Claver Mayor Georgia Gokiangkee, at Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar.
Present din sina DPWH Undersecretary Eugenio Pipo Jr. bilang kinatawan ni Secretary Roger Mercado, Assistant Secretary Ador Canlas ng Regional Operations sa Mindanao, Regional Director Pol Delos Santos, at Assistant Director Nomer Canlas ng Regional Office 13, at Surigao del Norte 1st District engineer Alex Ramos.