Manila, Philippines – Kasabay ng pagdiriwang ngayong araw ng Mother’s Day, ginunita naman ng mga kaanak ng mga biktima ng Kentex fire incident ang ikatlong Anibersaryo ng trahedya.
Ayon kay Kilos Manggagawa Coordinator Joseph Pausal, sinimulan nila ang aktibidad sa pagdaraos ng isang misa sa Quasi Church sa Barangay Ugong, Valenzuela kaninang alas-7:30 ng umaga.
Ganap na alas-9:00 ng umaga naman kaninan tumulak ang grupo mula sa Simbahan patungo sa dating kinatatayuan ng Kentex Manufacturing factory.
Mula doon ay nag-alay sila ng bulaklak at nagtirik ng kandila para sa mga namatay na manggagawa ng pabrika.
Maliban dito, ayon pa kay Pausal isang maiksing programa rin ang kanilang isinagawa upang muling igiit ang hustisya sa mga biktima ng trahedya na aniya ay mailap pa rin makalipas ang tatlong taon.
Itinuturing na isa sa pinakamalalang insidente ng sunog ang Kentex fire noong taong 2015 kung saan mahigit 70 factory workers ang nasawi.