Manila, Philippines – Inalerto ng Palasyo ng Malacañang ang publiko sa paparating na bagyong Ompong.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, sa mga ganitong panahon ay dapat nakabantay ang publiko sa mga balita, abiso at babala ng kanilang mga lokal na pamahalaan at ng national government.
Mahalga din aniyang alamin ng mamamayan ang mga nakalatag na evacuation plan sa kanilang mga lugar upang matiyak ang kanilang kaligatasan sa oras ng kalamidad.
Sinabi ni Roque na dapat ay tandaan ng mamamayan na ihanda ang mga bagay na kailangan sa tuwing may nananalasang sama ng panahon tulad ng flashlight, radio na de-baterya, sapat na supply ng pagkain, tubig, gasoline, first aid kit gamot at iba pang kinakailangang kagamitan.
Sinabi naman ni Roque na para sa mga nakatira sa malapit sa dagat ay mas magandang lumikas na at huwag nang hintayin pa na abutan ng bagyo, ganito din naman ang abiso ng Malacañang sa mga nakatira sa mga bulubunduking lugar kung saan mayroong banta ng mga landslide.
Bukod aniya sa mga paghahanda ay pinakamahalagang magdasal at ipanalangin ang kaligtasan ng lahat sa harap narin ng papalapit na malakas na bagyo.