Manila, Philippines – Ibinabala ng liderato ng Liberal Party o LP na ang taumbayan ang tatamaan ng ginawa ng Kamara na pagtanggal sa pondo para infrastructure projects ng ilang mambabatas.
Ayon kay LP President Senator Kiko Pangilinan, halimbawa ng mga proyekto sa ilang congressional districts na tinanggalan ng pondo ay housing, school buildings at flood control o access roads.
Ipinunto ni Pangilinan na kahit anong paliwanag ng liderato ng kamara ay mararamdaman ng mamamayan ang pagtapyas sa nasabing pondo.
Paalala pa ni Pangilinan, ang nabanggit na salapi ay galing sa tao, at dapat lamang ibuhos sa mga proyektong pakikinabangan ng tao.
Sa tingin ni Pangilinan, ito ay malinaw na ganti sa mga mambabatas na kritiko ng administrasyong Duterte.
Sa kabila nito, iginiit ni Pangilinan na hindi sila matitinag at patuloy silang titindig laban sa mga hindi katanggap-tanggap na polisiya ng pamahalaan.