Manila, Philippines – Ikinakabahala ni Albay Rep. Edcel Lagman na maraming mga proyekto ang matetengga dahil sa ginawang pag-alis ng infrastructure funds sa mga opposition congressmen.
Giit ni Lagman, hindi naman “pet project” ng mga kongresista ang infrastructure projects kundi ito ay mga tinukoy na proyekto sa kanilang mga distrito na ipinasa sa DPWH.
Dahil sa ginawang pag-tanggal ng infrastructure funds sa mga mambabatas mula sa oposisyon, tiyak na maraming mabibinbin na proyekto tulad ng mga kalsada, tulay, highways, diversion roads, seawalls at mga gusali.
Aniya, marami pa naman sa mga infrastructure projects ay naisailalim na sa bidding at ang iba ay nauna ng ginagawa na ipagpapatuloy sana sa 2018.
Naniniwala pa si Lagman na ginawa ng Kongreso na alisin sa Bicam ang pondo sa imprastraktura ng mga oposisyon para ipitin at mapasunod ang mga kongresista sa gusto ng gobyerno.
Giit pa ni Lagman, hindi naman mga kongresista ang apektado dito kundi ang kanilang mga constituents na umaasa sa mga proyekto ng pamahalaan.