Manila, Philippines – Kinastigo ng mga Senador ang National Economic and Development Authority o NEDA dahil sa pahayag na kayang mabuhay ng isang pamilya na may limang miyembro sa sahod na 10-libong piso sa isang buwan o 127-pesos kada araw.
Ayon kay Senator Panfilo Ping Lacson, kasya ang 10-thousand pesos sa kanyang pamilya kung isang beses lang silang kakain, hindi na magto-toothbrush, hindi na maliligo at maglalakad na lang patungo sa kanilang trabaho.
Dagdag pa ni Lacson, pwede sa kaniyang pamilya ang ganun kaliit na sweldo kung hindi na manonood ng paboritong telenovela ang kanyang misis dahil ibebenta na niya ang kanilang tv at kung mawawalan na ng cellphone ang kanyang mga anak dahil wala na silang mahihingi na pasaload mula sa kanya.
Sarkastiko pang sinabi ni Lacson na kaya nilang maka-survive kahit pa sampung piso sa isang buwan basta hindi na sila hihinga.
Hamon naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa NEDA bawasan ang kanilang mga sweldo at subukan nilang mabuhay sa loob ng 3-buwan sa sampung libong pisong sahod.
Si Senator Chiz Escudero naman ay nagtataka kung anong planeta ang tinutukoy ng NEDA dahil hindi aniya uubra dito sa metro manila o kahit sa buong pilipinas ang ganuun kaliit na sweldo.
Giit naman ni Senator Win Gatchalian, dapat makatotohanang basehan o pigura ang gamitin ng NEDA dahil hindi sapat ang sampung libong pisong sweldo sa isang buwan.
Paliwanag ni Gatchalian, lalabas na 8-pesos lamang ang maari gastusin ng isang pamilya sa pagkain at hindi pa makakabili kahit instant noodles.
Dagdag pa ni Gatchalian, hindi rin ito maaring ipantustos pamasahe at pang-upa kahit ng isang napakaliit na kwarto.