Manila, Philippines – Inamin ni ACTS-OFW Partylist Rep. John Bertiz na nakakatanggap na siya ng death threat matapos kumalat sa social media ang kontrobersyal nitong video sa paninita sa isang tauhan ng Office of the Transport Security (OTS) ng NAIA.
Ayon kay Bertiz, alam na niya ang pakiramdam ng isang indibidwal na nag-viral ang video at inamin na hindi rin siya nakakatulog dahil dito.
Sinabi ni Bertiz na matapos mag-viral ang kuha sa CCTV ng NAIA, nakatanggap siya ng mga banta sa kanyang buhay sa text messages at sa social media.
Maliban dito, pati ang kanyang mga anak ay nadamay na rin at napilitang i-deactivate ang kanilang mga social media accounts dahil pati ang mga ito ay nakakatanggap ng pamba-bash mula sa mga netizens.
Nakiusap si Bertiz na huwag namang idamay ang kanyang mga anak sa kanyang nag-viral na video.
Aminado naman ang kongresista na hindi tama ang kanyang inasal at naging aksyon lalo pa’t pangatlong pagkakataon na pala itong sumabit sa video controversy ang mambabatas.
Samantala, itinanggi naman ni Bertiz ang kumakalat na dokumento na inalis na siya sa ACTS-OFW.
Aniya, ito ay fake news dahil kagagawan lamang ito ng dati nilang ka-myembro na si Feliciano Adorna na inalis na nila sa grupo dahil sa panggagamit sa partido para makapang-solicit ng pera.