Inang nanaga sa 3 menor de edad na anak, kinasuhan na

3209
Courtesy Basud Municipal Police Station

BASUD, CAMARINES NORTE – Kinasuhan na ng pulisya ang madre de pamilya na pumatay mismo sa tatlong menor de edad niyang anak nitong Huwebes.

Ayon sa Basud Police, ang tatay mismo ng mga biktima ang nagsampa ng reklamong multiple parricide laban sa kaniyang 28-anyos na maybahay na sinasabing dumaranas ngayon ng postpartum depression.


Lumabas sa paunang imbestigasyon na walang pumasok na ibang tao sa kanilang tahanan nang pagtatagain ng suspek ang mga supling na edad 5, 1, at apat na buwan.

Matapos isagawa ang karumal-dumal na krimen ay sinaksak ng babae ang sarili niya.

Nakita ng ama na duguan ang kaniyang mag-iina, pasado alas-10 ng umaga noong Miyerkoles, nang umuwi ito sandali sa bahay para kumuha ng lever hose na gagamitin sa trabaho.

Naisugod pa sa pagamutan ang tatlong munting anghel subalit binawian din sila ng buhay kinalaunan.

Nakaligtas naman ang nasasakdal na nagpapagaling ngayon sa ospital.


Hinihintay na ng otoridad ang resulta ng psychiatric evaluation galing sa Camarines Norte Provincial Hospital upang masigurong nakararanas ng depresyon ang salarin.

Labis namang ikinagulat ng komunidad ang nakapangingilabot na insidente.

“Wala naman pong napabalitang pag-aaway nila at wala rin na-irecord sa barangay na nag-away ang mag-asawang so palaisipan pa rin po sa amin kung ano pong naging motibo sa krimen,” dagdag ng kinauukulan.

Ililibing ang mga paslit sa darating na Sabado, Mayo 23.

Facebook Comments