Manila, Philippines – Inaprubahan na ng House Committee on Tourism ang House Bill 6093 o ang paglikha ng Tourism Resiliency Certification Program (TRCP).
Ang pag-apruba ng komite sa panukala ay kaugnay na rin sa nalalapit na pagpapasara sa Boracay sa April 26 na tatagal ng anim na buwan.
Layunin ng pagbuo ng TRCP na maagapan at makontrol ang pagkasira o anumang banta sa tourism industry na dulot ng karahasan, terorismo, environmental degradation at climate change.
Ayon kay House Committee on Tourism Chairman Lucy Torres-Gomez, ang TRCP ay isang programa na siyang tutukoy sa mga panganib sa turismo ng bansa at titiyak na nakakasunod ang mga Registered Tourism Enterprises (RTEs) sa hinihinging requirement para protektahan ang tourism industry ng bansa.
Iginiit ni Gomez na mahalagang maprotektahan ang tourism industry sa bansa dahil malaki ang naiaambag ng turismo sa socio-economic development ng Pilipinas.
Maliban sa pagbibigay proteksyon sa mga tourist spots at iba pang pasyalan sa bansa, pinatitiyak din ang seguridad ng mga lokal at dayuhang turista para sa survival at pag-unlad ng turismo.